Sila may asawa’t anak na ako wala pa

Dahil sa nauusong mga nauusong networking sites, maaring masilip ng iba ang maliit na bahagi ng buhay mo. At dahil doon may nakikita akong mga litrato ng sanggol kasama ang kanilang magulang, ang ilan pa doon ay kilala ko. Naisip ko nalang na parang napagiiwanan na ako, o di naman kaya maingat lang ako.

Maaring hindi pa ako handang magkaroon ng pamilya. Hindi pa huli ang lahat at hindi pa naman ako ganoon ka tanda. Nasa kalendaryo pa naman ang edad ko. Hindi rin ako takot sa responsibilidad. Sadyang masarap lang maging binata. Mas ramdam ng binata ang kalayaan. Pwedeng lumandi ng lumandi, walang oras ang pag-uwi, at lahat ng gusto mo pwede mong mabili ng walang iniisip na ibang gastos.

Marami sa panahon ngayon ang wala pa sa wastong gulang pero may pamilya na, sila ang tinatawag na batang ina at batang ama. Mga batang maaga namulat sa maling pag-ibig at paglalandi.

Maaring tama din ang mga magulang natin, lagi nila tayong pinaalahanan na mag-aral. Tsaka na raw lumandi pagnakapagtapos. Pero teka! Diba dapat munang maghanap ng trabaho, para may pang suporta sa pamilya. Bigla ko tuloy naalala ang kawikaan na kung saan-saan ko lang nabasa.

” Aanhin mo ang pag-ibig na wagas, kung bukas wala kanang pambili ng bigas “

Advertisements

Mayaman na siguro ko ngayon

 This is Atty. Pedro J. Lopez. Head info. Dept! congratz ur sim # won Php. 850 000! 2nd winner! From PCF/Phil Charity Foundation! to claim your prize & 4 more info. Please call me now! Per DTI 667, s’13 “

Isa lang yan sa mga natatanggap ko na mensahe sa cellphone. Wala akong sinasalihang na kung anu-ano man, Pero ako daw ay nanalo. Kung totoo man ang lahat ng iyon. Siguro mayaman na ako ngayon!

Nag Blog ako, ngunit hindi ko alam ang ilalagay.

Ayon sa pagsasaliksik ko sa google, Naibigay naman sakin ng wikipedia ang kasagutan sa aking katunungan. Ano ba ang blog. Sa hinaba-haba ng  aking nabasa, ito lang ang nalaman ko. Ang blog daw ay pinaiksing salita na “web log” at ito ang paglalathala ng opinyon at impormasyon sa isang website. Pero ano nga ba koneksyon ng panimula ko sa titulo? HIndi ko alam.

Hindi ito ang unang beses na gumawa ako ng blog. Ang una kong blog ay tungkol sa pornograpiya. Pwede kang mag download ng mga scandal at mga litrato ng mga hubad at seksing mga babae. pero bakit nga ba ako gumawa nun? Hindi yun dahil sa isa akong marupok na lalaki, dahil yun sa kagustuhan kong kumita ng ekstrang pera. Hindi naman kasi kami mayaman para matustusan  ang aking mga kagustuhan, kaya kailangan ko mag-isip ng paraan para magka-pera. Kasamaang palad, hindi rin ako kumita. Naapektuhan kasi ako ng Anti-cybercrime Law na yan. Tapos ayun. Hindi ko na alam ang mga nangyari.

Nagkaroon ako ng ideya gawin ang una kong blog dahil sa subject namin nung kolehiyo na Advance Computer. Tinuro kasi sa amin kung paano gumawa ng website, at kung paano kikita sa ibat-ibang paraan. Pero napaisip din ako kung, ano kinalaman nun sa sa magiging propesyon namin sa kursong Enhinyerong Pandagat? Ewan ko ba.

Alam ko na maraming katulad ko na napapaisip kung bakit may mga subject na walang kinalaman sa piniling kurso sa kolehiyo. Siguro meron ding halaga, pero hindi lang namin alam kung ano. Ang dami pang reklamo, buti nga nakakapag-aral pa tayo.

Enhinyerong Pandagat

Enhinyerong Pandagat ba ang salitang pilipino para sa Marine Engineering? Pasensya na hindi ko alam, himulaan ko lang.

Academic graduate ako sa kursong Marine Engineering. Apat na ataon ang kursong ito. Tatlong taon ang Academics at isang taon para sa Shipboard Training. Tatlong taon lang ang academics pero nakakahiyang sabihin na inabot ako ng anim na taon para matapos ito. Tatlong eskwelahan rin ang aking napagdaanan para makatapos lang.

Hindi ko talaga alam kung anong kurso ang kukunin sa kolehiyo. Dahil sa impluwensya ng magulang, wala akong magawa kung hindi tanggapin nalang, dahil ito daw ang mag-aahon sa amin sa kahirapan. Kaya B.S. Marine Engineering ako. Isa lang ang alam ko sa kursong ito, magiging mekaniko ako ng barko

Kinse anyos ako nang pumasok sa kolehiyo. Nag-aral ako sa isang Maritime School sa Las Piñas bilang isang Enhinyerong Pandagat. Medyo marami din akong natutunan. Natutunan kong magsugal, manigarilyo, uminom ng alak, gumamit ng droga, magbulakbol, mambabae at ang pinaka importante kong natutunan sa lahat ay ang mag-isip ng tama. Kasi kung hindi ako mag-iisip ng tama malamang adik na ako sa sugal at droga, binawasan ko narin ang pangbabae kasi baka nagkapamilya ako ng maaga, binawasan ko din ang alak at yosi baka kasi mamatay ako ng maaga. Tama nga sila ” nasa huli lagi ang pagsisisi “.

Hindi ako nagtagal sa unang eskwelahan na pinasukan ko, dahil pumasa ako ng scholarship. Nakatsamba ako at ipinasa ko ang scholarship ng isang Maritime Academy sa Bataan. Wala akong ideya kung ano ang Academy. Kaya nagulat ako na parang impyerno pala ang buhay dun. Pero kahit mahirap ay tiniis ko nalang. Sabi nila isang taon daw ang hirap. Pero tatlong taon akong walang kalayaan, dahil sa mismo paaralan ako mahihirahan. Libre ang pagkain, matutulugan, tubig, kuryente, at pag-aaral. Ngunit bawal ang electronic device lalo na ang nga kasangkapan na pangkumunikasyon. Tanging mga kasamahan ko lang ang naging karamay ko sa lungkot at ligaya, saya at pangungulila.

Sa Academy na iyon ay hindi ganun ka higpit pagdating sa pag-aaral. Kasi pakirandam ko, hindi ako isang scholar dun. Kasi naman 75 lang ang grado na kailangan mo alagaan. Hindi importanteng tumaas. Ang importante ay hindi bumaba. Pag bumaba ang grado ko at bumagsak ako siguradong tepok na. Kasamaang palad, ganoon nga ang nagyari sakin. Nakaaway ko kasi ang isa kong guro, at ibinagsak niya ako. Pahamak kasi yang pride na yan e. Pero marami akong natutunan sa Academy na iyon. Salamat sa kanila.

Matapos kong matanggal sa pagiging scholar. Binigyan pa ako ng magulang ko ng pagkakataon na mag-aral. Sayang naman daw kasi, nasimulan na, bakit hindi pa tapusin. Nag-aral uli ako sa parehong kurso sa isang Maritime School sa Dasmariñas, Cavite. Ayun sinewerte ako at nakapagtapos na din ako sa wakas. Naisip kong luluwag na ang buhay ko at wala nang iisipin. Doon ako nagkamali, nagsisimula pa lang pala ang yugto ng buhay ko.

Mahirap maghanap ng trabaho kahit nakapagtapos ka ng koliheyo. Hindi pala sapat ang sipag at tiyaga. Kailangan din pala ng swerte at backer. Pero hindi sa lahat ng pagkakataon. Nasa deskarte parin yan sa buhay. Naalala ko ang sinabi sakin ng aking inahin, ” Ayan anak, nakapagtapos kana, Wala na silang masasabi sayo “. Pero masakit na marinig, nakapagtapos ka ngunit wala kang trabaho.

Mabagal na internet

Nahihilo kanaba sa tuwing nakikita ang paikot-ikot na buffering sa paborito mong pornsite? Gusto mo bang suntukin ang monitor sa tagal ng loading sa facebook? Sembreak na pero hindi parin tapos ang dina-download mo sa torrent? At sawa kanabang titigan ang loading page ng nilalaro mong online game? Kasi hindi pa nag sisimula lag na agad. Wag ka mag alala hindi lang ikaw ang may ganyang problema. Lalo na siguro kung nakiki-wifi ka lang sa kapitbahay, mabagal ang connection niyo sa bahay, o di naman kaya nagyu-youtube ang katabi mo sa computer shop sa kanto. Napaka-laki niyang sakit sa ulo.

Sa panahon ngayon marami ang maganda naidudulot ng internet sa buhay natin. Isang Click mo lang, maaring may sagot na sa iyng katanungan. Isang click mo lang, pwede mo nang makausap ang kamag-anak mo sa ibang bansa. At isang click, maari nang mabago ang buhay mo. Iisa-isahin ko paba? Alam kong alam na natin yan. Isang click mo lang, maaring malululong sa kung anu-anong nakalilibang na online game, isang dahilan ng pagliban ng isang estudyante sa klase. Isang click mo lang maaring malason ang isipan mo sa kung anu-anong impormasyon na hindi mo alam kung tama o mali. At isang click mo lang maaring matangalang iyong kalayaan, dahil sa maling pag-lalathala ng opinyon, imporasyon, at saloobin. Binigyan tayo ng kalayaan gumamit ng internet, pero tandaan may limitasyon. May maganda at hindi magandang dulot. May aral at chismis na mapupulot. At may mga nakakatuwa at nakakatawa na magdudulot ng maya’t mayang pag-utot.

Isa lang ako sa mga nabiktima ng mabagal na internet. Nakakatawang isipan na ang aming internet connection ay hindi talaga sa amin. Mula sa pader naming sinadyang butasan para pagdaanan ng internet cable na galing sa mabuting kapitbahay. Para daw tipid. May kahati na sa internet bill, may kahati pa sa internet speed. Yan tayo e!

Isang araw ako ay natauhan. Maraming mas masaya ay mas magandang bagay, maliban sa internet. Makipag-inuman sa barkada, makipag-lapunchingan sa iyong kai-bigan, makipagtalo sa mga kasama sa bahay. kahit ano pwede mong gawin, basta kaya mong panindigan, at ang importante sa lahat ay maging masaya ka.

Pangarap kong magkaroon ng banda

Narinig mo naba ang paggigitara na parang pinupunit na lata? Ang pagkantang parang ginugulping baboy? Ang pagpalo sa drums na tunog helecopter na dumaan sa inyong bubong? At ang pagkalabit sa bass na parang tibok ng puso mo sa tuwing nakikita mo ang crush mo? Ang sagot ko dyan ay “oo”. Masakit man sa tenga ng iba, kiliti naman ang batid sa aking tenga. Kaya naman pinangarap ko talagang magkaroon ng banda.

Elementarya pa ako nung nasimulan ko ang pakikinig ng miskang rock, kasabay nun ang pagkauso ng mga naggagwapuhang Boy Bands. Ilan dito ay ang Backstreet Boys, Westlife, A1, at N’sync. Nakakatuwang isipin na pinakinggan ko din sila kahit papaano. Hindi ko na naabutan ang tinatawag nilang Rock Legends, kasi bata pa ako nun masyado. Hindi ko rin nahiligan ang mga OPM bands noong panahon na iyon. Mas nagustuhan ko talaga ang mga musikang nilikha ng Limp Bizkit, Korn, Mudvayne, Slipknot, lalong-lalo na sa first love kong banda na Linkin Park. Sila ang mga bandang nagpakilig at swag sa aking pangdinig noong mga panahong iyon. Kaso ang problema hindi ko naman talaga sila naiintindihan. English kasi, hindi pa ako marunong umintindi nun.

HIndi pa uso ang internet, Mp3, at mga piratang kopya nun. Uso pa noon ang tinatawag na Walkman. Yun ay ang gadget na nilalagyan ng cassette tape imbes namp3 files. Astig kana nun kung meron ka nun. Kasamaang palad wala akong ganun nung pahanong iyon, kaya nagtsatsaga ako sa cassette player namin noon.

Pagtungtong ko ng High-school. Doon na ako natutong maggitara. Uso pa nun ang mga Emo Bands, na kalaunan ay hindi pala talaga Emo bands. Matutuwa ka nga ng mga panahong iyon, dahil makikita mo ang mga kabataan ba nakasuot ng itim at gapit ang damit, mahahabang bangs na nakatakip sa mukha, at nakayuko kung maglakad. Nakakatuwang hindi ko kinahiya na nausuhan din ako ng mga ganun.

Usong-uso ang mga banda noong panahon na iyon. Kaliwa’t kana pa ang mga gigs, at habol ako ng habol kung saan meron. Nood dito, nood dun. Nagsawa din ako kahit paano. Doon ko lang naisipan na paano kaya kung ako naman ang pinapanood at pinapakinggan. Kaso hindi pa ako ganun ka determinado. Kulang sa pera at panahon kaya hindi rin ako agad nag karoon ng banda noong high-school.

Kolehiyo na ako nun nung una ako nagkaroon ng banda, sa tulong ng mga kaibigan ko nung high-school. Nagsilbi akong gitarista ng bandang iyon. Ensayo lang kami ng ensayo, ngunit hindi rin kami nmakatugtog sa entablado. Dahil iyon sa hindi namin alam kung paano. Nagkaroon nga kami ng oras, ngunit hindi rin kami nagkaroon ng sapat na pera. Dahil walang pera pang renta ng rehearsal studio. Hindi nagtagal, nabuwag din ang banda.

Nasa kasahsagan ako ng pagsisipag-sipagan ko ng kolehiyo. Nang may nag-imbeta sakin na tumugtog sa isang gig. Hindi ko pinalampas ang pagkakataon at wala akong kemo-keming umuo sa alok sa akin. Isang linggong nag-ensayo, nakuha din ng maayos ang mga pyesa. Walang katapat ang hiya at ligaya ang naramdaman ko sa itaas ng intablado, dahil yun ang unang pagkakataon na tumugtog ako sa harap ng maraming tao. HIndi ko nagawang tumingin sa mga nanunuod sa amin kaya ibinaling ko nalang ang atensyon sa pagtugtog. Naging matagumpay naman ang aming pagtatanghal, kahit naputulan ako ng isang kwerdas. Pagkatapos nun ay maraming beses na akong nakapagtanghal, ngunit wala paring makakatalo sa sarap ng pakirandam sa unang pagkakataon.

At eto nga nakapagtapos na ako ng kolehiyo at wala paring trabaho. Nagbabalak akong bumuo ulet ng banda. Gagawa ako ng sarili naming kanta. Mga kantang kapupulutan ng aral, pag-asa, at saya. Tulad sa mga bandang aking napakinggan.

Basta ang importante, maging masaya sa bawat bagay ng gagawin. Maiksi lang ang buhay natin, gawin mo na ang iyong nais gawin.

“Don’t let your dreams be dreams”

Image

Pulubi sa Fastfood

tumblr_muied456v81qdee3ho1_500

Ito ay kwento ni Jenivie Mae Dangan. Pinayagan niya akong ibahagi ang kanyang kwento. Tungkol sa isang pulubing bata na minsang kumain sa fastfood restaurant.

“Kanina habang nagtatanghalian ako sa Jollibee, may bata na pumasok at dumeretso sa counter. Malinaw na isa itong pulubi. Pero ang nakakatuwa, ipangbibili niya ng pagkain ang nalimos niyang pera. Marami ang natingin sa kanya at halata na natutuwa. Kahit ako at ang kasama ko ay tuwang tuwa na nakita namin. Umorder sya ng spaghetti at imumin, at umupo siya malapit sa salamin, kaya nagawan ko syang kuhanan ng litrato. Maya-maya ay lumapit ang isang crew na may dala pang jolly hotdog. Hindi kami sigurado kung kanino galing at pilit niyang itinanggi ang hotdog. Kasi daw hindi kanya iyon, hindi siya umorder noon.
Kung makakasigurado lang talaga tayo na ang lahat ng batang nanlilimos ay pagkain ang bibilhin, hinding-hindi na ako mag aatubiling magbigay.”

Bihira lang taong tapat at may pinaninindigan. Buti pa ang bata, kahit kapos sa buhay ay may prinsipyo parin sa buhay. Di katulad ng iba inaangkin at hindi nila pinaghirapan. Mga taong mahirap abutin, puro lang hangin. Magaling lang pag may kailangan, pero kung sila ang hingian ng tulong, hindi sila maaasahan.

Bakit nga pala ako nag blog?

Marami na akong nakitang blog. Karamihan sa kanila ganito ang paksa: bago at uso sa mundo ng teknolohiya, pagluluto at pagkain, buhay pag-ibig, chismis tungkol sa artista, mga nakahubad na litrato ng mga babae, mga opinyon, pangkalusugan, sports, musika, pelikula, at ang talamabuhay ng blogger. Pero hindi ko parin nasagot ang sarili kong tanong,

Ganito kasi yun, Isang tanghali. Nasa kasagsagan pa ako ng pagkakasapi sakin ni Bob Marley at nasa harap pa ako ng computer na tuyong-tuyo ang lalamunan at nagugutom. Medyo madaldal akong tao, mahilig akong magkwento. Pero inaamin ko hindi lahat ng kwento ko ay totoo, yung iba pang-joke lang at puro kalokohan. Para sa adhikain kong matawa at matuwa ang aking mga kaibigan. Naisip ko na paano kaya kung ibahagi ko ang mga kwento ko, hindi lang sa mga kaibigan ko, kundi pati narin sa mundo ng internet. Susubukan ko kung matutuwa o matatawa rin ang iba sa aking kwento, opinyon, inpormasyon, talambuhay, at paglalakbay sa likod bahay.

Hindi ako artista, musikero, pulitiko, negosyante, gwapo, talentado, isa lang akong taong mahilig mag kwento at magtanong. Sana magustuhan ninyo ang una at mga susunod  ko pang ilalathala.

Yolanda Haiyan

Maraming masaya at hindi masaya ngayon. Masaya yung iba dahil walang pasok ang mga estudyante, hindi kasi sila makakapagpasa ng assignment na report o summary tungkol sa pag-uusig kay Janet Napoles; na hindi naman sumasagot ng maayos. Yung iba naman ay hindi masaya dahil nakakaranas na sila ng hagupit ng bagyo at yung iba ay makakaranas palang.

Isang dahilan ng pagkawala ng mga pasok sa eskwela at trabaho ay dahil sa bagyo. Bagyo din ang may dahilan ng pagkawala ng ng bahay, buhay, talambuhay ng ibang tao.

Itinalagang walang pasok ngayong Biyernes, ika-8 ng Nobyembre, taong 2013, sa mga lugar na madadaanan ng bagyong Yolanda. Ang bagyong Yolanda ay may lakas na category 5 hurricane, na may bilis na 245 km/hr. Anong ibig kong sabihin sa pinagsasabi ko tungkol sa bagyo? Ang bagyo ay may sapat na lakas ng hangin para matangay ang bubong na yero ng bahay niyo. Lahat ng halaman, puno, at poste ng Meralco ay kayang patumbahin. Kayang kalampagin ang nakabukas na bintana at pintuan, tanga ka lang kung bubuksan mo talaga. At syrete mo pa kung mababasa mo itong blog ko, dahil hindi nag-brownout sa inyo.

Pero kung ganun pa man ang mangyari ay kailangan nalang nating maging handa, wala nga lang akong maipapayo tungkol sa kaligtasan sa oras ng bagyo. Yung iba naman ay mag diwang dahil walang pasok.

Dapat ba akong matuwa dahil walang pasok? Wala naman talaga akong pasok araw-araw, hindi naman kasi ako nag-aaral o nagtatrabaho. Malulungot pa nga ata ako kung magiging malakas ang ulan, dahil sa hindi ako makakatamabay  sa lasangan, kasama ang mga kaibigan.

“Lansangan ang pinaka magandang tambayan. Sobrang nakakalibang kahit naka upo lang.”

Pag-ibig sa murang edad

Naalala ko noong elementary pa ako, nagkaroon ako ng puppy love. Yun ang una kong pagkaktaon na magkaroon ng kasintahan. Masyado pa akong bata noon, hindi ko panga alam ang mga bagay na tungkol sa pag-ibig. Bigla ko lang narandaman at nagustuhan yung pakirandam.

Aksidente akong napaibig sa masungit naming presidente ng klase. Lagi ko siyang kaasaran at kaaway. Lagi niya kasi akong nililista na isa sa mga maiingay at magulo tuwing recess, at dahil doon ay galit ako sa kanya, may multa kasi yun. Dahil dun, walang araw na hindi ko siya inaasar at ginagalit, pinanindigan ko kasi ang pagiging maingay at magulo.

Malapit na ang graduation at bakasyon. Ang huli naming aktibidad sa MSEP (Musika, Sining, at Edukasyong Pangkalusugan) ay sumayaw ng Cariñosa. Sa kinasamaang palad ang masungit naming presidente ang aking naka pareha, dahil bagay daw kami. Maputi siya at kayumanggi ako, at dahil dun ay tuwang-tuwa ang mga guro namin, para daw kaming kape at gatas. Sa bawat linggo naming pag-eensayo ay unti-unti na kaming nagiging malapit sa isat-isa, nakalimutan na namin na kami ay magkagalit.

Nanibago ako nung naging malapit kami sa isat-isa. Hindi na niya kasi ako nililista, hindi na kami nag-aasaran, nag-aaway, magkatabi na kami ng upuan, at sabay na kaming umuwi. Ang pinaka kakaiba sa lahat ay may tawagan pa kami sa isat-isa, ako si Mcdo at siya si Jollibee. Nag simula yan noong sinimulan naming kumain lagi ng tanghalian sa mga fastfood restaurant na malapit sa eskwelahan namin. Gusto niya laging kumain sa Jollibee, dahil may palaruan doon. Gusto ko naman sa Mcdonalds dahil gusto ko lang na kontrahin ang gusto niya.

Natutunan kong maglakad pauwi ng dahil sa kanya. Hindi katulad dati na sumasakay ako ng tricycle, medyo malayo kasi ang bahay namin, habang sa kanya ay kaunting lakad lang ang lalakarin. Isang araw habang kami ay naglalakad , nabuksan niya ang paksa tungkol sa pagkakaroon ng kasintahan, dahil doon ay umamin akong gusto ko siya at gusto ko siya maging kasintahan. Pinasabik pa niya ako, kinabukasan pa niya sinabi ang sagot. Hindi ko inaasahan ang paraan na ginawa niya. Ang sabi niya kasi, pag hinalikan niya ako sa pisngi , kasintahan ko na daw siya.

Kinabukasan pag-uwi namin, hinawakan niya ako sa ulo at pilit na inilapit ang pisngi ko sa mga labi niya. Ang sandaling iyon ang nagpahinto sa ng saglit sa mundo ko. Unang beses ko kasing nahalikan ng babae bukod sa ina ko. Ang halik na iyon ang naging hudyat na kami ay magkasintahan na.

Ang relasyon namin ay naging parang seryoso. Kasi naman ay nagkaroon kami ng problema. Ang problema na iyon ay ako din ang may kasalanan, nagkaroon kasi ako ng isa pang kasintahan, kahit kasintahan ko pa siya. Tawagin nalang natin na “kabit” ang isa ko pang kasintahan.

Ang kabit ko ay kapatid ng kalaro at kapitbahay namin dati. Mas matanda ang kabit ko kesa sa akin, kaya kinaya niyang pagtripan ako. Wala akong magawa noong nag desisyon siya na maging magkasintahan na kami. Sinabi ko sa kanyang meron na akong kasintahan, at hindi siya naniwala.

Nasurpresa ako noong pumunta ang kabit ko sa eskwela namin at sabay daw kaming umuwi. Pilit kung ikinubli ang relasyon namin, ngunit hindi ko napigilan ang ang pagiging malambing niya sa akin. Nakita ako ng ako ng kasintahan ko nung lumabas siya ng eskwelahan. Ibinato ng kasintahan ko ang napagkalaki-laki niyang bag sa akin, sinabi niya sa akin na isa akong madaya. Tumakbo siya paalis habang umiiyak, at ang kabit ko naman ay hindi makapaniwala sa nasaksihan niya.

Naging malamig ang pakikitungo ng kasintahan ko sa akin simula nung nakita niyang may iba pa pala akong kasintahan. Hindi na niya ako pinapansin, kahit nageensayo pa kami ng sayaw. Hangang sa araw ng pagtatanghal ng sayaw ay hindi niya ako kinikibo. Kahit anong paghingi ko ng tawad ay walang talab sa kanya. Hindi na talaga ako magkakaroon ng pagkakataon na ayusin ang pagkakamali ko, hindi ko na kasi siya magiging kaklase uli. Nalalapit na kasi ang graduation.

Gusto ko parin sanang humingi ng tawad hangang sa ngayon. Gusto ko sana siyang hanapin, ngunit hindi ko na maalala ang buong pangalan niya. Baka sakaling masaliksik ko siya sa mga social networking sites.

At doon nagtatapos ang kwentong pag-ibig kong bitin.